Nasaan na ang Kapirasong Papel ng Kasaysayan?
(written by Jamila Millar and Twila Marie Bergania for the Broadsheet Issue, Vol.XXV No.4
Pacesetter- The Official School Publication of the Bulacan State University, City of Malolos, Bulacan)
Ang simbahan ay isang sagradong lugar para sa ating mga Kristiyano. Dito’y nabubuklod ang iisa nating pananampalataya sa Diyos na lumikha. Sa isang pagkakataon, isang simbahan ang naging piping saksi sa madugong pakikipaglaban ng ating mga bayani upang makamit ang demokrasyang nagpabago sa mukha ng Pilipinas. Mula sa mga mumunting retaso ng kasaysayan tayo’y makalilikha ng isang marangyang traje de boda—simbolo ng ating bunying kasarinlan.
Silip sa Kasaysayan ng Barasoain
Ang simbahan ng Barasoain, ipinanganak noong 1630 sa mayuming bayan ng Malolos, ay nakilala bilang Lundayan ng Demokrasya dahil sa napakahalagang papel na ginampanan nito sa ating kasaysayan. Ang ‘Barasoain’ ay pinaniniwalaang ipinangalan ng mga paring Agustiniano sa isa pang simbahang kawangki ng una na matatagpuan naman sa Navarra, Espanya. Ayon naman sa mga katutubong tagalog, ito ay nagmula sa katagang ‘Baras ng Suwail’ dahil nagsilbi itong tagpuan ng mga ilustrados at rebolusyonaryo. Noong ika-30 ng Agosto, 1859 pormal na hinati ang Malolos sa tatlong maliliit na bayan: Sta. Isabel, Malolos at Barasoain maaaring upang mapadali ang kanilang panglalansi sa ating sistema. Kaya’t mahihinuha natin na noong Mayo 1884 sa ilalim ng pamamahala ni Rev. Francisco Royo O.S.A., kung kalian natupok ang simbahan ng malaking apoy noong kasagsagan ng Rebulusyong Pilipino, ay parte ito ng Barasoain at hindi ng Malolos. Naipatayong muli ang simbahan nang sumunod na taon sa pangunguna ni Rev. Juan Giron, O.S.A.
Hindi lamang ito nagsilbing silungan ng mga kristyano mula sa mga hamon ng pangaraw-araw na buhay, nagsilbi din itong kublian ng ating mga bayani sa gitna ng pakikipaglaban. Kabilang na dito si Hen.Emilio Aguinaldo at ang kanyang mga kakampi. Dito rin nila binalangkas ang kanilang mga plano na bawiin ang mga probinsiyang napasakamay na ng mga Kastila bago pa masunog ang simabahan. At noon ngang Agosto 22, 1898 ay inilipat dito sa Bulacan ang kabisera ng bansa sa mga kadahilanang: malayo ang Malolos sa Maynila na nang mga panahong iyon ay nasa ilalim ng kapangyarihang banyaga; malapit ito sa mga probinsyang Pampanga at Nueva Ecija kung saan maraming rebolusyonaryo kaya’t mas malaki ang pwersang sandatahan at mas madaling makatatakas; at higit sa lahat ang Bulacan ay nadadaanan noon ng riles ng tren, ang Pero Caril de Manila, na ginamit na transportasyon naman ni Hen. Aguinaldo. Sa tahanan din ng Diyos naganap ang isang napakahalagang pangyayari sa kasaysayan ng Pilipinas, at ito ay ang pagsasama-sama ng mga Pilipino upang buuin ang kauna-unahang kongreso noong Setyembre 15, 1898 na pinamunuan ni Pedro Paterno. Sinundan naman ito ng pagbabalangkas ng Konstitusyon ng Malolos mula Setyembre 29, 1898 hanggang Enero 21, 1899 sa pangunguna ni Apolinario Mabini at, kalaunan, ni Felipe Calderon. Saksi ito sa paniniwala at katapatang inialay ng mga Pilipinong buong giting na ipinaglaban ang ating Inang Bayan. Hindi nagtagal ay pinasinayaan na ang kauna-unahang Republika ng Pilipinas noong ika-23 ng Enero, sagisag ng bunying kalayaan ng ating bansa. Sa wakas, dahil sa mga pangyayaring ito, na siya namang lalong nagpadikala higit sa simbahan, ay ipinroklama nga ni dating pangulong Ferdinand Marcos at ng Pambansang Suriang Pangkasaysayan ang Barasoain bilang pambansang palatandaang makasaysayan noong unang araw ng Agosto 1973 sa bisa ng kautusan ng pangulo bilang 260.
Kontrobersyal na papel
Ang Bangko Sentral ng Pilipinas ang siyang naglilimbag at nagpoprodyus ng mga salaping umiiral sa ating bansa, papel man o barya. Sa kasalukuyan, ang 20 pisong papel ang may pinakamababang halaga na siya nilang inililimbag samantalang 1,000 pisong papel naman ang pinakamataas. Sa obverse ng mga salaping papel makikita ang mga prominenteng tao, sa reverse naman nito matatagpuan ang mga landmarks at ilang senaryo na parehong may mahalagang papel na ginampanan sa ating kasaysayan, Sa kabilang banda, ang sampu at limang piso naman ay napalitan na ng barya ngunit iginiit pa rin ng BSP na ang sampu at limang pisong papel ay legal at tinatanggap pa rin bagamat ihininto na ang paglilimbag ng mga ito.
Ilang buwan matapos mailimbag ang limang pisong papel noong June 12, 1982, nailimbag at umiral na rin sa bansa ang sampung pisong papel. Sa laki ng naiambag ng Simbahan ng Barasoain sa mayamang kasaysayan ng Pilipinas, hindi na nakapagtataka kung bakit napasama ang larawan nito sa likurang bahagi (reverse) ng kayumangging salapi. Matatagpuan naman sa kanang bahagi ng simbahan ang pagsasagawa ng pacto de sanggre ng mga Katipunero. Sa harapang bahagi (obverse) naman nito matatagpuan ang larawan nina Apolinario Mabini at Andres Bonifacio. Ang huli ang siyang tinaguriang “Ulo ng Katipunan” samantalang ang una naman ay ang kauna-unahang Prime Minister at Secretary of Foreign Affairs ng bansa bagamat siya’y may kapansanan. Dahil dito, kinilala ang kanyang kadakilaan at tinagurian siyang “Ang Dakilang Lumpo”. Sa kanang bahagi naman ng simbahan matatagpuan ang isa sa mga opisyal na bandila ng Katipunan, ang Kartilya at isang liham mula kay Mabini.
Noong una, tanging larawan lamang ni Mabini (sa obverse) at ng Barasoain Church (sa reverse) ang makikita sa sampung pisong papel, nadagdagan lamang ito ng larawan ni Bonifacio at ng Katipunan noong 1998. Ngunit, kamakailan lamang, napalitan na ng barya ang sampu (2001) at limang pisong papel. At sa sampung pisong baryang ito, hindi na matatagpuan ang makasaysayang Simbahan ng Barasoain. Itinigil ang paglilimbag ng mga ito (10- pisong papel gayundin ang 5-) upang magbigay-daan sa kapalit nitong barya ngunit binigyang-diin ng BSP na mananatili pa ring legal ang mga salaping (10- at 5- papel) na nasa sirkulasyon. Opisyal pa rin itong salaping bayarin at pananagutan ng Republika, dagdag pa nila.
“Republika ang simbolo ng Simbahan ng Barasoain”
Isang napakalaking regalo para sa mga Bulakenyo gayundin sa mga kaanak ng nagsiganap sa Rebulusyon ang makita sa pang-araw-araw na salapi ang Simbahan ng Barasoain. Ngunit tila ba, nabalewala na lang ang lahat ng pawis at dugong inialay ng mga dakilang bayani mula nang mapalitan ng barya ang sampung pisong papel.
Bunsod ng usaping ito, naglunsad ng signature campaign ang lokal na pamahalaan ng Bulakan at ang Simbahan ng Barasoain sa pangunguna ni Monsignor Angel Santiago na inakyat naman nila sa Bangko Sentral ng Pilipinas. Ayon sa apelang kanilang inihain, nais nilang ibalik ang imahe ng Barasoain sa anumang salaping papel na umiiral sa Pilipinas. “Nawawala na ang damdaming makabayan at pagmamahal sa kasaysayan ng mga kapwa natin Pilipino, marapat lamang na agapan na ito ng pambansang sistema ng pananalapi,” ani Monsignor Santiago.
Bilang tugon sa apelang inihain ng mga Bulakenyo, ibinalik ang replika ng Simbahan ng Barasoain sa 2,000 pisong papel kung saan kasama sa pagkakalimbag ang larawan ni Presidente Joseph ‘Erap’ Estrada habang nanunumpa sa pagka-Pangulo, ika-30 ng Hunyo 1998. Sa likurang bahagi naman nito makikita si Presidente Fidel V. Ramos sa muli niyang pagwawagayway ng bandila ng Pilipinas bilang paggunita sa Ika-100 taong anibersaryo ng kalayaan ng bansa sa Aguinaldo Shrine, Kawit, Cavite noong ika-12 ng Hunyo, 1998. Naroon rin ang logo ng Philippine Centennial Commission.
Hakbang para sa Kasaysayan
Matagal nang usapin ang isyu ng sampung piso. Inakala ng BSP na huhupa na ang isyu nang ihayag nila sa madla na itinigil na ang paglilimbag ng lima at sampung pisong papel ngunit mananatili pa rin itong legal. Ngunit nagkamali sila dahil lalo pang sumidhi at umigting ang adbokasiya ng mga Bulakenyo. Umani sila (BSP) ng batikos noong 2001 kung kaya’t umaksyon na ang noo’y kasalukuyang kinatawan ng Unang Distrito G. Wilhelmino ‘Willy’ Sy-Alvarado. Umaksyon na rin ang iba’t-ibang samahang bayan at indibidwal sa Bulacan, samahang pangsibiko, pangkasaysayan at pangkultura, administrasyon ng Simbahan ng Barasoain at nito ngang huli, ang BulSU- Bahay Saliksikan ng Bulakan. Gumawa ang huli ng isang resolusyong pinagtibay at nilagdaan noong ika-8 ng Nobyembre, 2007 sa Bulacan State University, Lungsod ng Malolos, Bulacan nina Direktor Agnes Crisostomo, BulSU-Bahay Saliksikan ng Bulakan; Dekano Reynaldo Naguit, BulSU-ISSP; Kawaksing Dekano Ricardo Capule, BulSU-ISSP; V.P. Cecilia Geronimo, Ed. D., BulSU-Tanggapan ng Ugnayang Panlabas; V.P. Antonio del Rosario, Ed. D., BulSU-Tanggapan ng Gawain at Usaping Mag-aaral; V.P. Danilo Hilario, Ed. D., BulSU-Tanggapan ng Pananaliksik, Pagpaplano at Ekstensyon; V.P. Danilo Faustino, Ed. D., BulSU-Tanggapan ng Usaping Pang-Akademiko; (at) Pres. Mariano de Jesus, Ed. D., Bulacan State University. Nakapaloob sa resolusyong ito ang naising ibalik muli sa anumang salaping papel na umiiral sa bansa ang replika ng Simbahan ng Barasoain bilang pagpapahalaga sa historical value nito. O, kung hindi man ay paigtingin ang sirkulasyon ng sampung pisong papel. Ang gayong mga hinaing ay idinulog sa Bangko Sentral ng Pilipinas, Mababa at Mataas na Kapulungan ng bansa na sila namang maghahain sa tanggapan ng Pangulo ng Republika ng Pilipinas.
Hanggang sa kasalukuyan, naghihintay pa rin ng tugon ang BulSU-Bahay Saliksikan ng Bulacan. Anila, kung wala silang makikitang anumang progreso sa kanilang ihinaing apela hanggang matapos ang taon, personal na nilang ipaparating ang kanilang hinaing sa MalacaƱang pagtuntong ng taong 2008.
Bitin ang naunang tugon ng pamahalaan
Ang siste ay ganito: ibinalik nga ng BSP ang replika ng Barasoain Church sa 2,000 pisong papel ngunit ano pa nga ba ang saysay nito gayong ‘di naman ito kabilang sa sirkulasyon? At kahit pa nga sinasabi nilang ang sampu at limang pisong papel ay hindi naman talaga nawala sa sirkulasyon bilang opisyal na bayarin at pananagutan ng Republika wala rin namang saysay ang lahat sapagkat wala namang tindera at drayber ng mga pampublikong sasakyan ang tatanggap nito. Bunsod nito, itinuturing na lamang ng karamihan, higit lalo ng mga kolektor, ang sampung pisong papel bilang collector’s item. Katunayan ay mas interesado pa ang mga kolektor sa sampung pisong iisa lamang ang ‘ulo’. Ang kahabag-habag na lima at sampung pisong papel ay tila ba itinanikala na ng mga Pilipino sa kani-kanilang mga kalupi.
Punto de Vista
Ang kasaysayan ay sanaysay na may saysay, paano natin magagawang baliwalain na lamang iyon? Sa laki ng papel na ginampanan ng Simbahan ng Barasoain sa kasaysayan ng Pilipinas, tila ba malinaw na pangyuyurak ng dangal ang ginawang yaon ng BSP. Samantalang, kung ating oobserbahan, kung ikukumpara natin ang Barasoain sa iba pang mga landmark na nakalimbag sa kasalukuyang salaping papel na umiiral sa bansa ay ‘di hamak na mas makasaysayan ito. Ang Simbahan ng Barsoain ang saligan ng ating Republika. Ito ang kumalinga sa mga nag-aagaw-buhay nating mga rebolusyonaryo sa kalagitnaan ng rebolusyon. Ang mga moog nito ang sanggalang na sumapo ng lahat ng balang mula sa baril ng mga Kastila. Sa mga bubong nito sumilong ang mga Kababaihan ng Malolos. Ilang libong Katipunero at Propagandista ang nagbata upang makamit natin ang kasarinlan. Saksi rito ang Simbahan ng Barasoain.
Hahayaan na lamang ba natin ang ating pagkalito oras na maghalo na ang lima at sampung pisong barya? Pababayaan na lamang ba nating hindi na maabutan ng susunod na henerasyon ang kayumangging salapi? Hindi na nila masusubukang hanapin pa ang pusa sa bubungan ng simbahan. Ang dating masiglang salaping papel ngayon ay lukot-lukot, punit-punit at ‘di na tinatanggap sa mga tindahan at pampublikong sasakyan. Taong-bahay na lamang sa mga kalupi ng Pilipino. Collector’s item. Masaklap mang isipin ngunit totoo, unti-unti nang namamatay ang tanging salaping kakulay ng ating mga balat. Naghihingalo na ang kapirasong papel ng sa ating kasaysayan.